Mga Pamahiing Pinoy Na Uso Pa Rin Ngayong Bagong Taon

Mga pamahiing Pinoy sa Bagong Taon

Ilang araw na lang ay 2020 na. At kasabay ng mga paghahanda para sa New Year ay ang paalala ng mga matatanda tungkol sa mga pamahiing dapat sundin pagpapalit ng taon. Bagaman at moderno na tayo, nananatili pa rin ang mga paniniwalang ito. Halina’t tignan ang iilan sa mga popular na pamahiing Pinoy sa pagsalubong sa Bagong Taon. 

Pamahiing Pinoy #1: Pag-iingay para maitabooy ang masasamang espiritu

Bagaman at mahigpit na siyang ipinagbabawal nitong mga nakaraang taon, isa sa common na tradisyon dito sa atin ang pagpapaputok kapag New Year’s Eve. Kung hindi mo alam, ang tradisyon na ito ay bahagi ng mas malaki pang pamahiin. Ayon sa mga matatanda, ang pag-iingay raw ay isang mabisang paraan upang maitaboy ang bad spirits na maaring sumira ng iyong taon.

Ang pamahiin na ito ay nagmula sa mga Chinese na unang nanirahan sa Pilipinas mula pa nung panahon ng mga Kastila. Sa kanila rin nanggaling ang paraan ng paggawa natin ng paputok at fireworks. 

Pero dahil nga ipinagbabawal na ang paputok ngayon, kelangan mo ng ibang pampaingay. Toroto ang nirerecommend ng mga government officials, pero pwede ka ring gumamit ng kawali o balde bilang tambol. Ito rin ang panahon na pwede kang magpatugtog at sumigaw ng malakas nang walang magagalit. 

Pamahiing Pinoy #2: Buksan lahat ng pintuan at bintana

Isa na namang pamahiing Pinoy na nagmula talaga sa mga Chinese. Ang paniniwala rito ay makakatulong ang pagbubukas ng ng pintuan at bintana para i-attract ang swerte at positive energy papasok sa bahay. Sa kabilang banda, makakatulong rin daw ito para mapalabas ang bad vibes mula sa bahay.

Maliban sa pagbubukas ng pinto at bintana, maari mo ring buksan ang mga cabinet at iba pang lalagyan niyo sa bahay. Dapat mo rin daw siguruhing puno ang mga lalagyang ito bilang simbolo ng prosperous New Year. Related din sa pamahiing Pinoy na ito ang pagbubukas ng ilaw sa buong bahay sa Bagong Taon, na kumakatawan naman sa isang maliwanag na taon. 

Pamahiing Pinoy #3: Pagdidisplay ng bilog na bagay

Imahe mula sa Pinterest.

Ayun sa Chinese feng shui, ang bilog ay sumisimbolo sa kasaganahan. Kaya kapag naglagay ka ng maraming bilog sa bahay pag New Year ay magiging masagana ka raw sa buong taon. Ang pinaka-common na paraan ng ganitong pamahiin sa Bagong taon ay ang paglalagay ng 12 bilog na prutas sa hapag-kainan, katulad ng: 

  • Orange
  • Ubas
  • Pakwan
  • Mansanas
  • Pomelo
  • Dalandan

Bawat isa sa 12 na prutas ay kumakatawan sa bawat buwan sa kalendaryo. Kaya magiging maswerte ka raw sa buong taon. Walang definite na listahan kung anu-anong prutas ang pwede mong ilagay, kaya  marami kang pagpipilian 

At dahil ang bilog ay simbolo nga ng prosperity, isa pang pamahiin sa Bgong Taon ay dapat marami kang barya. May iba-ibang version ang paniniwalang ito. Merong kailangang punuin mo ng barya (o perang papel) ang bulsa mo. May version din na aalugin mo yung barya at isasaboy sa lupa para mas “kumalat” ang swerte. 

Maging sa damit ay kailangang may bilog na design. Dito ay popular ang pagsusuot ng polka dots na damit bilang pampaswerte. Mas malaki at marami ang bilog, mas marami raw ang ma-aatract na suwerte. Dapat rin daw ay inaayon ang kulay ng mga bilog sa kung anong swerteng kulay para sa susunod na taon. Para sa 2020, ang lucky color ay white at blue. 

Pamahiing Pinoy: Mga pampaswerteng pagkain

Pati sa mga pagkaing ihahanda sa media Noche ay mga pamahiing Pinoy pa rin. Pansit ang isa sa pinaka-common na pampaswerteng pagkain. Kapag mas maraming sahog, mas masagana raw ang susunod na taon. Maliban pa to sa paniniwala na ang pansit ay pampahaba raw ng buhay. Kung walang pansit, spaghetti ang ipinangpapalit na pampaswerteng pagkain. 

IImahe mula sa The Handy Foodie.

Sa mga mas nakakariwasa, kaugalian rin ang paghahanda ng lechon. Ayon sa ilang paniniwala, ang matabang katawan ng baboy ay symbol pa rin ng kasaganahan. Pwede ka ring mag-ihaw ng isa, dahil ang kaliskis nito ay makinang na parang barya, Samantala, ang mga berdeng pagkain katulad ng vegetable salad ay kumakatawan naman sa perang papel. 

Pamahiing Pinoy #5: Mga bawal gawin sa Bagong Taon

Maliban sa mga gawaing sinasabi na makaka-attract ng swerte, may mga bagay din na ipinagbabawal. Ang mga ito daw ay nagtataboy naman ng swerte. Ilan sa mga ito ay: 

  • Bawal maghugas at magsuklay ng buhok. 
  • Bawal magwalis sa loob ng bahay sa unang araw ng New Year
  • Bawal maghanda ng putaheng may halong manok
  • Bawal mangutang sa unang araw ng taon

Marami pang ibang mga bagay na ipinagbabawal na gawin sa unang araw ng New Year. Ang paniwala ng mga matatanda rito ay kung ano ang ginawa mo sa unang araw ng taon, yun na ang gagawin mo sa buong taon. Kaya kung pangit ang ginagawa mo, asahan mo raw na pangit rin ang taon mo. 

Sariwain ang mga pamahiin sa Bagong Taon

Bagaman at mas kaunti na ang sagradong naniniwala ngayun sa mga pamahiing ito, bahagi pa rin sila ng pagdiriwang ng Bagong Taon. Meron pa ring gumagawa ng mga ito kahit bilang katuwaan lang. Isa ka pa rin ba sa mga gumagawa ng mga pamahiing Pinoy na ito? Comment na.